Manila, Philippines – Nangako si Agriculture Secretary Manny Pinol sa mga farmers associations na magbibigay ang Department of Agriculture (DA) ng mga postharvest facilities at makinarya kapag makapagbenta sila ng malaking volume ng palay sa National Food Authority (NFA).
Sinabi ng kalihim pagkakalooban sila ng isang maliit na traktora, harvester, isang kuliglig o kahit na rice processing center depende sa dami ng palay na idedeliver at ibenta sa NFA sa ilalim ng point system scheme.
Ginawa ni Pinol ang hakbang upang makahikayat pa ng mga local farmers na magbenta ng kanilang produkto sa NFA sa halip na sa private rice traders.
Bibigyan din sila ng priority na maka-avail ng walang collateral at low-interest financial assistance sa ilalim ng Production Loan Easy Access credit program na pinangasiwaan ng Agricultural Credit Policy Council.
Kaugnay nito, tinukoy na ng Department of Agriculture (DA) ang mga areas na maaaring mapagbilhan ng murang palay.
Itoy bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na pasiglahin ang palay procurement sa local farmers at kahit itaas ang buying price ng palay para matiyak lang na makumbensi ang mga ito na ibenta ang kanilang ani para sa buffer stocks ng pamahalaan.