Manila, Philippines – Sa paggunita ng National Teachers` Day ngayong Linggo, sinisingil na ni ACT Teachers Rep. France Castro ang Pangulong Duterte sa pangako nitong dagdag na sahod para sa mga public school teachers.
Sinabi ni Castro na hanggang ngayon ay drawing pa rin ang pangako ng pamahalaan na dagdag na sweldo sa mga guro.
Aniya, ipinangako noong nakaraang taon ang umento sa sahod ng mga guro kasabay ng dagdag na sweldo sa mga pulis at sundalo pero hindi pa rin ito natutupad.
Wala din aniyang dagdag maski sa benepisyo ng mga guro.
Ang masakit pa nito, sinabi ni Castro na binawasan pa ang inaasahang local allowance at damay din ang mga guro sa pagbawas ng performance based bonus sa mga kawani ng pamahalaan.
Hindi rin pinalusot ng Kamara ang kanilang mungkahi para sa special hardship allowance, libreng medical examination, mas mataasa na chalk allowance at lump sum fund para sa promosyon.
Giit ni Castro, sa paggunita ng National Teachers’ Day sa Huwebes, hindi simpleng happy national teachers’day ang gustong marinig ng mga guro kundi commitment na itataas sa 25,000 pesos ang minimum na sahod ng mga guro.