Pangakong 90K COVID-19 tests kada araw, dapat tuparin ng DOH at IATF

Muling nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Department of Health at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na abutin ang dati nang naipangakong target na 90,000 COVID-19 tests kada araw.

Hiling ito ni Hontiveros sa harap ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa iba’t ibang probinsya sa labas ng National Capital Region (NCR).

Dismayado si Hontiveros na ngayong Mayo, ay pumalo lamang sa humigit-kumulang 42,866 ang nate-test kada araw.


Diin ni Hontiveros, kung nagkaroon sila ng isang salita, o natupad ang pangako ay naagapan sana ang matinding pagtaas ngayon ng mga kaso ng COVID sa ating mga probinsya.

Tinukoy ni Hontiveros ang pinakahuling ulat ng DOH, ang positivity rate ng bansa ay nasa 11.7%, na napakalaki kumpara sa 5% threshold na tagubilin ng World Health Organization (WHO).

Giit ni Hontiveros, testing ang unang-unang makakatulong para mapigilan ang transmission ng Coronavirus at maiangat din ang iba pang hakbang, tulad ng trace, isolate at vaccinate.

Facebook Comments