Pinuri ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagsisikap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na matupad ang pangako niya na maaasahan at mababang presyo ng kuryente para sa mga Pilipino.
Pinaalala pa ni Romualdez na sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Marcos, ay tiniyak nito na ang sektor ng enerhiya ay pangunahing ikokonsidera sa pagpapa-unlad ng ekonomiya at pagpaparami ng trabaho para sa taumbayan.
Pahayag ito ni Romualdez, makaraang magpakita ng interes na mamuhunan sa Pilipinas ang NuScale Power Corporation na isang nangungunang nuclear energy firm sa Amerika matapos makipagpulong kay Pangulong Marcos.
Ayon kay Romualdez, nakaharap ni PBBM ang naturang kompanya nang dumalo ito sa United Nations General Assembly noong nakaraang taon.
Ikinalugod ni Romualdez na sa ikalawa nilang paghaharap ay nagkaroon na nga ng pag-usad dahil pinaplano na ng NuScale na magsagawa ng pag-aaral kung saan pinakamainam na magtayo ng small modular reactor sa Pilipinas.
Umaasa si Romualdez na magpapasok ng $6.5 billion hanggang $7.5 billion na investment ang NuScale para makapagbigay ng 430MW sa Pilipinas pagsapit ng 2031.