Pinabulaanan ng Malakanyang na totoo ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na sasakay siya ng jetski papuntang Spratly Islands para igiit sa China na teritoryo ng Pilipinas ang West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, metaphor lamang ang sinasabi ng Pangulo dahil bagama’t naging matalinghaga, malinaw naman ang paninindigan ng punong ehekutibo na hindi isusuko ang teritoryo ng Pilipinas.
Matatandaang taong 2016, nang naging pangako ni Pangulong Duterte sa kampanya nito na sasakay siya ng jetski patungong Spratlys para iwagayway ang watawat ng Pilipinas
Samantala, kaugnay sa problema sa West Philippine Sea sinabi ni National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon Jr., na hindi mareresolba sa pamamagitan ng pwersa ang isyu sa WPS.
Bagama’t kasi aniya patuloy pa rin ang pananamantala ng China, mas mabuting huwag magmadali at magpadala sa bugso ng damdamin ang gobyerno at idaan sa pakikipag-usap ang isyu.