Umaasa si Senator Francis Tolentino na sa loob ng isang buwan ay tutuparin ng Manila Electric Company (Meralco) ang mga ipinangako nito sa pagdinig ng Committee on Energy na pinamunuan ni Senator Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Tolentino, kabilang dito ang pagpapadala ng Meralco sa kanilang mga customer ng mas maayos na electricity bill at personalized na liham na nagpapaliwanag sa computation ng kanilang singil.
Kasama rin sa pangako ang refund kung may sobrang nasingil o sa mga nagbayad ng buo na pwede namang installment o hulugan sa loob ng apat na buwan.
Bukod dito, hinikayat din ni Tolentino ang Meralco na i-train o turuang magpaliwanag at bigyan ng impormasyon ang kanilang mga staff sa mga bayad center para hindi na kailangang dumagsa sa Meralco offices ang mga customer na may mga tanong ukol sa kanilang bills.
Kaugnay nito ay sinabi ni Tolentino na pag-aaralan nila sa Senado ang pagbalangkas ng panukalang batas para mahigpit na maipatupad ang maayos na serbisyo ng mga kumpanya ng kuryente at tubig lalo na sa panahon ng kalamidad.