Iginiit ng ilang kongresista na hindi dapat gamitin ang ngalan ng Panginoong Diyos sa mga pagtitipon o rally na ang isinusulong ay usaping pang-pulitika o personal na interes.
Reaksyon ito ni Aklan 2nd District Representative Teodorico Haresco sa ikinasang prayer rally sa Maynila kamakailan ng mga sumusuporta sa Sonshine Media Network International o SMNI at kay Kingdom of Jesus Christ Founder Pastor Apollo Quiboloy.
Sa naturang rally ay binanatan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., gayundin ang isinusulong na pag-amyenda sa mga economic provisions ng Konstitusyon.
Maging si La Union Representative Paolo Ortega, ay nalilito na rin sa konsepto ng prayer rally dahil mukhang iba na aniya ang nagiging layunin nito ngayon.
Kaya naman apela ni Ortega, lalo na sa mga kilala at maimpluwensyang tao, pagtuunan muna ng pansin ang mga problema ng bansa sa halip na dumagdag sa tensyon sa pulitika.