
Natukoy sa mga opisyal na dokumento ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pangalan ng ilang opisyal ng Bulacan 1st District Engineering Office na lumagda sa bidding papers para sa proyekto ng SYMS Construction Trading, ang kompanyang iniimbestigahan ngayon kaugnay ng umano’y ₱55.7-milyong ghost flood control project sa Brgy. Piel, Baliuag, Bulacan.
Batay sa kopya ng Resolution of Award at Notice of Award, nagsimula ang bidding noong January 31, 2025, kung saan itinanghal ang SYMS Construction Trading bilang Lowest Calculated Responsive Bidder para sa proyektong nagkakahalaga ng higit ₱55 million.
Nilagdaan ng mga miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC) ang dokumento at inirekomenda ang pag-apruba ng kontrata sa district engineer.
Kasama sa mga lumagda sina Brice Ericson D. Hernandez bilang BAC Chairman at Norberto L. Santos – BAC Vice Chairman.
Nilagdaan din ito ng mga miyembro ng BAC na sina Floralyin Y. Simbulan, Jaypee D. Mendoza, Jaime R. Hernandez, Irene DC. Ontingco, at Ernesto Santos.
Noong Pebrero 11–14, 2025, pinirmahan naman ni former District Engineer Henry C. Alcantara, bilang Head of Procuring Entity, ang parehong Resolution of Award at Notice of Award.
Mula rito, ipinadala ang NOA kay Sally N. Santos, na nakalagay sa dokumento bilang “Owner/Manager” ng SYMS Construction Trading.
Sa ilalim ng Government Procurement Reform Act (RA 9184), tungkulin ng BAC na tiyakin na ang mananalo sa bidding ay may kakayahang kumpletuhin ang proyekto alinsunod sa plano at budget.
Pero batay sa pag-iinspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lugar ng proyekto, nadiskubreng wala ni isang pader o hollow block na itinayo kaya ipina-blacklist ang SYMS at ipinag-utos ang mas malalim na imbestigasyon sa mga flood control projects.
Sa kabila nito, wala namang partikular pang pangalang tinutukoy si Pangulong Marcos na posibleng managot sa isyu pero tiniyak nito na ang lahat ng mapapatunayang sangkot ay kakasuhan alinsunod sa Revised Penal Code, Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019), at iba pang kaukulang batas.









