Pangalan ng mga nakatanggap ng cash grant sa ilalim ng Social Amelioration Program, ipinapasapubliko ni Sen. Sotto

Ipinapasapubliko ni Senate President Vicente Sotto III ang pangalan ng mga nabigyan ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.

Kasunod ito ng aniya’y mga reklamo na hindi natanggap ang ayuda ng mga taong dapat ay kwalipikado sa SAP alinsunod sa ipinasang Bayanihan Act ng Kongreso.

Ayon kay Sotto, dapat na i-upload ng DSWD sa website nito ang pangalan ng mga indibidwal na nakatanggap na ng cash grant gayundin ang mga lugar na sakop nito sa ngalan na rin ng transparency.


Sa pamamagitan nito, matitiyak ng pamahalaan sa publiko na talagang naipamahagi at natanggap ng mga benepisyaryo ang pera.

Nakukulangan din si Sotto sa isinumiteng ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso kung saan nakasaad na P80-billion mula sa P100-billion na inilaan para sa SAP ngayong Abril ang nailabas na.

Hindi naman kasi aniya nabanggit sa ulat ang detalye hinggil sa kabuuang bilang ng recipients, lugar at breakdown ng halagang ibinigay sa mga barangay o LGUs.

Punto pa ng Senador, ang pagsasapubliko sa pangalan ng mga benepisyaryo ay makakatulong din para matukoy ng mga mambabatas ang pagkakamali sa sistema ng pamamahagi ng ayuda gayundin ang mga posibleng pag-abuso ng Local at National Social Welfare Executives.

Facebook Comments