Nais ipatanggal ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga pangalan ng mga pulitikong nakabalandra at nakasulat sa pasilidad ng lahat ng paaralan sa lungsod.
Inilahad ni Moreno ang bagong polisiya sa pagpupulong kasama ang City School Board sa Manila City Hall nitong Martes.
Bahagi ng kanyang adbokasiya ang pagpapatanggal ng mga pangalan para hindi madamay ang edukasyon sa pulitika.
“Huwag natin pulitikahin ang ating mga paaralan. Let’s leave politics to politicians, and our educational institutions to academicians,” pahayag ni Moreno.
Aniya, wala na dapat ‘epal’ sa pader ng mga eskuwelahan, basketball court, at gymnasium na pinagawa ng sinumang pulitiko.
Maging ang mismong pangalan niya, ipaaalis.
“Pinatatanggal ko lahat ng pangalan, ultimo ang pangalan ko at pangalan ng mga pulitiko, na nakapintura o nakakabit sa mga eskwelahan,” sabi ni Moreno.
Dagdag pa ng alkalde, pera ng taumbayan ang ginamit sa pagpapagawa ng mga pasilidad o paaralan. Nararapat lamang na walang pangalan ng mambabatas sa mga nasabing istraktura dahil hindi galing sa kanilang bulsa ang perang ginastos.