Inirekomenda ng isang kongresista sa Kamara na palitan na ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa inihaing House Bill 610 ni Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., ay pinapapalitan ang pangalan ng NAIA at hiniling na tawaging Ferdinand E. Marcos International Airport.
Paliwanag ng kongresista, mas akma na ipangalan kay Marcos Sr. ang ating pambansang paliparan dahil ang dating pangulo ang naka-isip at nagpatupad ng pagpapalawak ng paliparan.
Panahon ng rehimeng Marcos noong 1972 nang lagdaan ni Marcos Sr. ang Executive Order 381 para sa development ng noo’y Manila International Airport o MIA upang matugunan ang tumataas na demand ng mga biyahe at turismo.
Nang maging Pangulo si Corazon Aquino, pinalitan ang MIA ng NAIA noong 1987 sa ilalim ng Republic Act 6639.
Isinunod ito sa pangalan ng yumaong asawa ni Pangulong Cory na si dating Senator Ninoy Aquino na napatay sa paliparan nang magbalik mula sa matagal na pananatili sa Amerika.