Hindi na ikinagulat ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang certification ng Philippine Statistics Authority o PSA na nagsasabing wala sa record nito na may ipinanganak, ikinasal o pumanaw Na Mary Grace Piattos.
Nakasaad ang pangalang Mary Grace Piattos sa acknowledgement receipts na bahagi ng liquidation report na isinumite sa Commission on Audit (COA) ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) kaugnay sa paggastos ng confidential funds sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Bunsod nito ay sinabi ni House Blue Ribbon Committee Chairman at Manila 3rd District Representative Joel Chua na susuriin na rin nila ang iba pang tila bogus na mga pangalan sa mga dokumentong isinumite ng OVP at DepEd.
Binanggit ni Chua na humingi na rin sila ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) para suriin ang mga pirma at sulat-kamay sa mga dokumento mula sa OVP at DepEd.
Magugunitang sa mga nakaraang pagdinig ay lumutang ang umano’y kaduda-dudang mga pangalan sa mga resibong pinagbigyan umano ng confidential funds tulad ng Mary Grace Piattos, Fernando Tempura, Carlos Miguel Oishi, Reymunda Jane Nova at Kokoy Villamin na magkakaiba ang pirma at sulat kamay sa mga resibo.