Pangalang Chel Diokno at Marian Rivera na tumanggap umano ng confidential funds ni VP Duterte, pwedeng silipin ng PSA at NBI

Tiwala si House Assistant Majority Leader at Lanao Del Sur Representative Zia Alonto Adiong na may kakayahan ang Philippine Statistics Authority (PSA) at National Bureau of Investigation (NBI) na beripikahin ang mga lumulutang na pangalan na nakakuha umano ng confidential funds ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.

Pahayag ito ni Adiong kasunod ng kumalat na impormasyon na may pangalang Chel Diokno at Marian Rivera na tumanggap din umano ng kontrobersyal na confidential funds ni VP Sara.

Diin ni Adiong, mahalagang matukoy ang mga indibidwal na tumanggap ng confidential funds ni Duterte base sa mga acknowledgment receipt na isinumite nito sa Commission on Audit (COA).

Binanggit ni Adiong, na hindi lahat ng mga acknowledgement receipt ay nakita at nasiyasat nila katulad ng entry na may pangalan nina Diokno at Rivera.

Aniya, marami kasi sa mga acknowledgement receipt ang hindi na nailabas sa naging imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability.

Facebook Comments