Pangalawang Chinese pharma, lusot na sa pre-screening ng Vaccine Experts Panel

52

Pasado na sa pre-screening ng Vaccine Experts Panel ng Department of Science and Technology (DOST) ang Clover BioPharmaceuticals ng China para sa pagsasagawa ng Phase 3 clinical trials COVID-19 candidate vaccine sa Pilipinas.

Matatandaang noong Oktubre, nakalusot na rin sa evaluation ng Vaccines Experts Panel ang Sinovac Biotech na mula rin sa China.


Pero ayon kay DOST Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) Executive Director Jaime Montoya, dadaan pa rin ang dalawang vaccine developers sa evaluation ng Single Joint Research Ethics Board gayundin sa Food and Drug Administration (FDA).

Inaasahan din na masisimulan na ang clinical trials para sa candidate vaccines ng Sinovac at Clover sa susunod na buwan kapag pumasa ang mga ito sa iba’t ibang evaluations.

Sa ngayon, mayroong limang vaccine developers ang nagsumite ng kanilang applications para magsagawa ng clinical trials sa bansa kasama ang Gamaleya ng Russia, Janssen ng Belgium, at AstraZeneca ng United Kingdom.

Facebook Comments