Matagumpay na nai-deploy sa orbit mula sa International Space Station (ISS) ang pang-apat na satellite at pangalawang nanosatellite ng Pilipinas, ang Maya 2.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Peña, nakaka-proud ang successful launch ng Maya 2.
Aniya, hindi magiging posible ito kung hindi dahil sa mga batang researchers at engineers.
Kumpiyansa si Dela Peña na marami pa ang magagawa ng bansa pagdating sa space technology.
Ang Maya 2 ay mayroong 1.3 kilos at naipalipad sa orbit alas-7:20 ng gabi (oras sa Pilipinas).
Ang Pinoy nanosatellite ay isang technology demonstration and educational platform na layong mangolekta ng datos sa pamamagitan ng Store-and-Foreward Mechanism.
Gawa ito ng tatlong Pilipinong engineers – Izrael Zenar “IZ” Bautista, Marloun Sejera at Mark Angelo Purio na nagpupursige ng doctoral degree programs sa Space Engineering sa Kyutech sa Japan.
Ang dalawang iba pang cube satellites – ang Tsuru ng Japan at GuaraniSat-1 ng Paraguay ay pinalipad din sa kalawakan mula sa ISS.