Kinumpirma ng Joint Task Force Sulu na isang babaeng suicide bomber ang may pakana ng pangalawang pagsabog sa Jolo, Sulu kahapon.
Batay sa pagiimbestiga, isang babaeng nakasuot ng burka ang lumapit sa tropa ng gobyerno sa may harap ng DBP Bank at Plaza Rizal sa General Arolas Street, Brgy. Walled City at bigla itong sumabog.
Ang unang pagsabog ay naitala naman sa harap ng Paradise Food Shop kung saan isang motorsiklo na pinaglagyan ng bomba ang pinasabog sa mismong gilid ng military truck na naka-park sa lugar.
Sa ngayon naka-lockdown na ang buong Metro Jolo para mapigilan ang anupamang planong pagpapasabog.
Batay sa huling ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP), 15 na ang naitalang nasawi sa dalawang magkasunod na pagsabog, ito ay pitong sundalo, anim na sibilyan, isang pulis na miyembro ng Philippine National Police Special Action Force (PNP SAF) at ang suicide bomber.
Habang 75 naman ang nasugatan, ito ay 48 sibilyan, 21 sundalo, tatlong local police at tatlong miyembro ng PNP-SAF.
Sa ngayon, sinabi ni Western Mindanao Command Major Corleto Vinluan Jr. nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon para matukoy ang mga nasa likod nang pagpapasabog.
Panawagan ni Vinluan sa mga taga-Jolo na manatiling mapagmatyag sa paligid at magdasal para sa mga naging biktima ng pagsabog.