Pangamba at babala ng business groups kaugnay sa VP Sara impeachment, dapat pakinggan ng Korte Suprema

Hindi dapat ipagwalang-bahala ng Kataas-Taasang Hukuman ang apela ng grupo ng mga negosyante kaugnay sa desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang labag sa konstitusyon ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Pahayag ito nina House Deputy Speaker Paolo Ortega ng La Union at House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Rep. Joel Chua ng Maynila na miyembro din ng House prosecution panel.

Kasunod ito ng panawagan ng Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Integrity Initiative, at Justice Reform Initiative sa Korte Suprema na ipagtanggol ang konstitusyon at suriing mabuti ang pasya ukol sa impeachment ni VP Sara.

Diin ni Ortega ang apela ng business groups ay malinaw na sumasalamin sa pangamba ng publiko sa paghina ng transparency at accountability sa pamahalaan.

Kaisa rin si Chua sa pangamba ng grupo ng mga negosyante na ang SC ruling sa impeachment ay nagbibigay ng mensahe na ang pag-abuso sa kapangyarihan at korapsyon ay walang katapat na pananagutan.

Facebook Comments