Nagpapaalala si Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu sa lahat ng kanyang mga kababayan na huwag matakot sa 2019 Novel Corona Virus o NCoV bagkus maging mapagmatyag at panatilihin ang pagkakaroon ng magandang kalusugan.
Higit aniyang mas kinakailangan pang palakasin pa ang ating immune system lalo na sa mga kabataan upang depensa na rin sa anu mang uri ng karamdaman.
Tamang paghuhugas ng kamay, pagkain ng malusog na mga pagkain at pagpapanatili ng malinis na kapaligiran ang ilan lamang na maaring gawin para maiwasan ang anumang karamdaman giit ni Governor Bai Mariam.
Kaugnay nito, umaapela naman ang Gobernadora sa publiko na ipairal parin ang pagiging makatao lalo na sa mga kababayan nating mga tsinoy. Hindi aniya nakakatulong ang deskriminasyon ngayong panahon bagkus ipairal ang Malasakit dagdag pa ni Governor Bai Mariam.
Nanawagan rin si Governor Bai Mariam na maging kalmado at higit sa lahat mas palakasin pa ang paniniwala sa dakilang lumikha. Wala na aniyang mas hihigit pa kung matibay ang iyong pananampalataya.
Samantala , nauna na ring nagbigay ng direktiba si IPHO Maguindanao Director Dra. Elizabeth Samama sa lahat ng mga health workers sa buong lalawigan sa mga inisyatiba para makaiwas sa pinangangambahang karamdaman .