Pinawi ng experto ang pangamba ng publiko kaugnay sa posibleng mga side effect ng taong tinamaan ng COVID-19.
Kasunod na rin ito ng pag-aaral ng mga doktor sa Imperial College London kung saan natuklasan nila na ang mga taong gumaling sa COVID-19 ay nagkakaroon ng brain fog o kaya ay tumatanda nang 10 taon ang utak ng mga taong malubhang tinamaan ng virus.
Sa interview ng RMN Manila kay National Task Force Against COVID-19 Former Adviser Dr. Anthony Leachon, ipinaliwanag nito na bagamat posibleng maapektuhan ang utak ng isang taong tinamaan ng COVID-19, ito ay hindi naman pangmatagalan at gumagaling rin.
Payo ni Leachon, upang mabilis ang paggaling, panatilihin ang healthy lifestyle, kumain ng masusustansyang pagkain at mag-exercise.
Bukod sa memory loss, sinabi nito na isa pa sa posibleng maranasan ng COVID-19 survivor ay ang depression at anxiety na hindi dapat balewalain.