Pangamba sa bakuna, makakaantala sa pagbabalik ng face-to-face classes

Iginiit ni Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na tugunan ang pangamba ng taong-bayan sa pagpapabakuna laban sa COVID-19 na maaaring resulta ng isyu sa Dengvaxia vaccine.

Apela ni Gatchalian sa pamahalaan, buwagin ang mga maling paniniwala ukol sa mga bakuna, kabilang dito ang paglilinaw sa maaaring maging mga epekto ng mga bakuna.

Ayon kay Gatchalian, kailangang magtagumpay ang vaccination program laban sa COVID-19 dahil mahalaga ang magiging papel nito sa pagwawakas ng pandemya at sa ligtas na pagbabalik-eskwela ngayong taon.


Nagbabala si Gatchalian na kung kalahati ng bansa ang hindi magpapabakuna, ay magpapatuloy lamang ang pagkalat ng virus.

Kapag nangyari ito ay patuloy na maaantala ang ang pagbabalik-eskwela ng mahigit 22 milyong mag-aaral sa pampublikong mga paaralan at muling pagkakaroon ng face-to-face classes.

Binanggit ni Gatchalian na sa Metro Manila pa lamang na maituturing na isang virus hotspot, may mahigit dalawang milyong mag-aaral na sa mga pampublikong mga paaralan.

Paliwanag pa ni Gatchalian, magiging malaki ang problema natin kung walang magpapabakuna laban sa COVID dahil hindi tayo makakabalik sa normal na pamumuhay.

Facebook Comments