Sa pagdinig ng Joint Congressional Energy Commission ay tiniyak ni Energy Secretary Alfonso Cusi na walang mararanasang brownouts ngayong summer o sa mga buwan ng Abril, Mayo at Hunyo.
Binanggit pa ni Cusi na kahit may pandemya ay hindi tumigil ang Department of Energy (DOE) sa pagtulong sa mga power generation company para siguraduhin ang sapat na suplay ng kuryente.
Ayon kay Cusi, mangyayari lang ang brownout kung may bibigay o masisirang planta ng kuryente.
Inilahad din ni Cusi bilang solusyon sa numinipis na suplay ng kuryente sa Luzon ay ang pagkontrata ng ancillary services o power reserves.
Sa pagdinig ay ginarantiyahan naman ni Energy Assistant Secretary Mario Marasigan na walang magiging problema sa suplay ng kuryente sa Visayas at Mindanao.
Ang katiyakan sa sapat na suplay na kuryente ay hiningi ni Energy Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian dahil mahalagang hindi magkaroon ng brownout para sa pag-imbak sa cold storage facilities ng COVID-19 vaccines.