Pangamba sa gitna ng pag-aangkat ng mga isda ngayong “closed fishing season”, pinawi ng isang senador

Pinawi ni Senator Christopher Bong Go ang pangamba ng local fishing industry kaugnay sa pang-aangkat ng imported na isda ng Department of Agriculture (DA) ngayong “closed domestic fishing season”.

Para kay Go, walang dapat na ikabahala dahil malinaw naman ang mga uri ng isda na aangkatin at ito ay pansamantala lang dahil sarado muna ang fishing season.

Sa ilalim aniya ng “closed fishing season”, pansamantala munang ipinagbabawal ang pangingisda sa bansa upang mabigyan ng pagkakataon ang iba’t ibang uri ng isda na malayang makakapagparami at lumaki nang sa gayon ay hindi tuluyang maubos ang stocks ng isda ng bansa.


Sa kabilang banda ay umapela naman ng “win-win” solution ang mambabatas para makaagapay sa mga mangingisdang maaapektuhan ng pagsasara ng fishing season.

Hiniling ni Go sa pamahalaan na bumuo ng solusyon kaugnay sa mga isyung inilapit ng mga mangingisda at magkaloob ng programa na magiging kapaki-pakinabang sa parehong pamahalaan at local fishermen upang masiguro ang tuluy-tuloy na hanapbuhay.

Ang “closed fishing season” sa bansa ay magtatagal simula ngayong Nobyembre hanggang Enero ng susunod taon at inaasahan ang pag-aangkat ng 25,000 metriko toneladang mga isda kabilang ang galunggong, matangbaka, alumahan, tulingan at bilong-bilong.

Facebook Comments