Pangambang magamit sa pang-e-espiya ng China ang itatayong cell sites sa mga kampo ng militar, pinawi ng Dito Telecom; Dito, on track sa commercial launch nito sa susunod na taon

Pinawi mismo ng Dito Telecommunity ang pangamba ng publiko na magamit sa pang-e-espiya ng China ang mga itatayo nitong cell sites sa mga kampo ng militar.

Sa isang panayam, sinabi ni Dito Chief Administrative Officer Atty. Adel Tamano na isang retired Major General ang piniling maging Chief technology officer ng Dito para tiyakin sa publiko na walang basehan ang mga isyu ng pang-e-espiya.

Aniya, bagama’t mayroon silang Chinese shareholders, nananatili pa ring Filipino company ang Dito.


Bukod dito, hindi naman aniya nakikipag-giyera ang Pilipinas sa China sa halip ay mayroong matatag na diplomatic relations ang dalawang bansa.

Samantala, “on track” ang Dito para sa commercial launch nito sa March 2021.

Sa ngayon, halos 900 cell sites na ang naitatayo ng third telco mula sa target nitong 1,300.

Ayon kay Tamano, kumpiyansa silang maaabot ng kompanya ang target nitong 27 mbps para sa unang taong commitment nito sa gobyerno.

Target din ng Dito na maabot ang 87% population coverage ng kanilang serbisyo pagkalipas ng limang taon.

Facebook Comments