Pinawi ng Philippine National Police (PNP) ang pangamba ng publiko na magkaroon ng mala-“Oplan Tokhang” na operasyon sa paglulunsad ng house-to-house search sa mga pasyenteng may mild at asymptomatic cases ng COVID-19.
Ito ay makaraang sabihin ni PNP Chief Police General Francisco Archie Gamboa na parang paghahanap ng kriminal ang gagawin nilang contact tracing.
Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na ang mga health workers ang mangunguna sa house-to-house visit at pupunta lamang sila kapag kinailangan ang kanilang tulong.
Nakatitiyak din si Banac na hindi tatanggi ang mga COVID-19 patients na magpalipat sa quarantine facilites.
Samantala, umabot na sa 1,289 ang bilang ng mga police frontliners na tinamaan ng COVID-19 kung saan siyam dito ang nasawi habang 529 ang gumaling na.
Karamihan sa mga infected ay mga pulis na idineploy sa mga quarantine control points.
Kaugnay nito, naghahanda na ang PNP sa pagpapatayo ng mas maraming quarantine facilities at testing hubs para mapabuti ang healthcare support sa mga pulis.