Panganay na anak ni DOJ Secretary Boying Remulla na naaresto dahil sa iligal na droga, sinampahan na ng kaso!

Sinampahan na ng kaso ang panganay na anak ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na si Juanito Jose Diaz Remulla III ng paglabag sa Section 4 o importation of dangerous drugs sa ilalim ng Article 3 ng Republic Act 9165 o kilala bilang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2022.

Ito ay matapos na makuhanan sa ikinasang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang batang Remulla ng parcel na naglalaman ng kush o high grade marijuana mula sa San Diego, California na may bigat na 937 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.3 million.

Ayon kay PDEA Spokesperson Derrick Carreon, sa ilalim ng Article III Section 4 ay habambuhay na pagkakakulong at multa mula ₱500,000 hanggang P10 milyon ang posibleng kaharapin ng naarestong anak ni Secretary Remulla.


Ang reklamo laban kay Juanito ay inihain sa Office of the City Prosecutor-Las Piñas City kahapon.

Dagdag pa ni Carreon, ang posibilidad ng piyansa ay depende sa prosecutor at utos ng korte.

Gayunpaman, kinumpirma ni Carreon na hindi karaniwang nagrerekomenda ng piyansa para sa pag-a-angkat ng mga iligal na droga.

Una nang inihayag ni Justice Secretary Remulla na hindi siya manghihimasok sa kasong kinakaharap ngayon ng kaniyang panganay na anak.

Aniya, susundin niya ang sinumpaang tungkulin sa DOJ at hahayaan na gumulong ang proseso ng batas sa kaso ng anak lalo na’t nasa tamang edad na ito.

Facebook Comments