Hiniling ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at Kabayan Party-list Representative Ron Salo sa Manila Economic and Cultural Office (MECO), Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na puspusang umaksyon kaugnay sa lindol na naganap sa Taiwan.
Giit ni Salo sa naturang mga ahensya, aktibong bantayan ang sitwasyon ng ating mga kababayan sa Taiwan at ibigay ang tulong o kanilang mga pangangailangan.
Iminungkahi rin ni Salo sa DMW at OWWA ang agarang pagbuo ng mekanismo na magbibigay ng sapat at updated na impormasyon sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Taiwan.
Kasabay nito ay nagpaabot din si Salo ng panalangin para sa kaligtasan at agarang pagbangon ng ating mga kababayang Pilipino at mamamayan ng Taiwan.