
Iginiit ni Cagayan de Oro City Representative Rufus Rodriguez sa mga mambabatas ang pangangailangan na agad maipasa ang Anti-Espionage Bills na magpapabigat sa parusa at magpapalawak sa saklaw ng pang-i-espiya kahit sa panahon ng kapayapaan o walang digmaan.
Hirit ito ni Rodriguez makaraang maaresto ang ilang Chinese nationals na hinihinalang espiya lalo na sa mga pasilidad ng ating militar.
Nakabinbin ngayon sa Kamara ang dalawang Anti-Espionage Bills na inihain ni Rodriguez bilang tugon sa apela noon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na maamyendahan ang kasalukuyang Espionage Law o Commonwealth Act No. 616 na epektibo lang tuwing may giyera.
Sa House Bill nos. 10983 at 10988 ay ituturing na rin na pag-espiya ang paglalabas ng mga impormasyon na may kinalaman sa national security o national defense pati ang pagkuha ng larawan sa ating defense installations, aircraft, drone o kaparehong mga kagamitan.
Kasama rin sa panukala ang reproduction, paglalathala, pagbebenta o pamimigay ng larawan, sketch, drawing, mapa mahalagang government installations or equipment gayundin ang pagsira sa ating national defense o national security material at mga dokumento.