Nanindigan si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa pangangailangan na maisailalim sa komprehensibong pagrepaso ang Electric Power Industry Regulation Act (EPIRA) upang mapababa ang presyo ng kuryente at magkaroon ng seguridad sa enerhiya ang bansa.
Unang inihayag ni Romualdez ang target ng Kamara na maipasa ang panukalang pag-amyeda sa EPIRA bago ang Christmas break.
Agad namang nagpahayag ng buong suporta sa naturang hakbang ang ibang lidera ng Kamara na sina Representatives Aurelio “Dong” Gonzales Jr, David “Jay-jay” Suarez at Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe.
Kinatigan din ito ng mga nakababatang kongresista na sina Representatives Inno Dy, Rodge Gutierrez, Jil Bongalon, Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, Paolo Ortega, Jay Khonghun, Mika Suansing, Joel Chua ng Manila, Migs Nograles at Cheeno Miguel Almario.
Kanilang iginiit na kung maibababa ang presyo ng kuryente ay tiyak na magreresulta ito sa pag-unlad ng ekonomiya.
Ang pag-amyenda sa EPIRA ay kabilang sa 28 panukala na tinukoy sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na bibigyang prayoridad ang pagpasa bago matapos ang 19th Congress sa Hunyo 2025.