Hiniling ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Partylist Representative France Castro sa pamahalaan na kilalanin ang mga guro sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pondo para sa ligtas na pagbubukas ng klase at pagdiriwang ng National Teachers’ Day ngayong araw.
Giit ni Castro, simple lang naman ang demand ng mga guro sa kanilang espesyal na araw, at ito ay iprayoridad ng gobyerno ang kanilang mga pangangailangan sa ilalim ng 2021 national budget.
Upang matiyak ang ligtas na kalagayan ng mga guro at mga estudyante gayundin ang maibigay ang dekalidad at accessible na edukasyon sa mga kabataan, umaapela ang mga guro na ibigay ang mga demands o hiling tulad ng sapat na learning modules sa bawat mag-aaral, pagkakaloob ng gadgets at laptops sa mga guro at mga estudyante para sa online classes, pagtatakda ng angkop na health measures, at pagbibigay ng teaching expenses allowances.
Nababahala si Castro na maapektuhan ang pagtuturo at edukasyon sa ilalim ng new normal kasunod ng pagtapyas pa ng pamahalaan sa ₱554 billion na pondo ng Department of Education (DepEd) sa 2021.
Hindi na nga aniya sapat noon pa ang budget para sa instructional materials at allowance ng mga guro ay lalong mahihirapan ang mga ito dahil gagamit na ng mga gadgets, equipment, at modular para maka-adapt sa pagpapatupad ng blended learning.
Muling ipinanawagan ng kongresista na i-rechannel o ilipat ng Kongreso ang budget ng intelligence at confidential funds sa binawasang vital items o programs sa DepEd upang matugunan ang economic at health needs ng mga guro para patuloy na makapagbigay ng dekalidad na edukasyon sa mga kabataan.