Manila, Philippines – Pinatututukan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga pangangailangan ng pamilya ng pitong taong gulang na batang lalaking Pilipino na kabilang sa mga nasawi sa terror attack noong Huwebes sa Barcelona, Spain.
Mismong si Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola ang inatasan ng DFA na tumulong sa pamilya ng biktima lalo na’t ang ina ng batang nasawi ay nasugatan din sa pag-atake.
Nananatiling nasa kritikal na kondisyon ang 43-years old na Pilipinang ina ng bata at sumailalim ito sa mga operasyon nang mabalian ng dalawang binti at isang braso.
Dalawa ring iba pang Pilipinong naka-base sa Italy ang nadagdag sa bilang ng mga Pinoy na nasugatan sa Barcelona terror attack na kinabibilangan ng isang babae at isang lalaki.
Bukod pa ito sa apat na Irish citizens na may dugong Pilipino na kinabibilangan ng mag-asawa at dalawang anak.