PANGANGAILANGAN PARA SA RICE MILL AT ILANG KAGAMITAN, PANAWAGAN NG MGA MAGSASAKA SA MANGALDAN

Ipinahayag ng mga magsasaka mula sa dalawang asosasyon sa Mangaldan ang kanilang pangangailangan para sa Village Type Rice Mill (VTRM) at hand tractor sa isinagawang validation visit ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) kasama ang Municipal Agriculture Office (MAO).

Sa pagpupulong, parehong iginiit ng Malabago Mangaldan Farmers Association, Inc. at Asosasyon na Masanting Ya Dumaralos na Macayug, Inc. ang kahalagahan ng pagkakaroon ng rice mill upang mapababa ang gastusin, mapabuti ang kalidad ng kanilang produksyon, at mapabilis ang proseso ng paggiling ng palay sa kanilang lugar.

Bahagi ang inisyatiba ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program, na taon-taong namamahagi ng humigit-kumulang 1,200 hanggang 1,600 makinarya sa iba’t ibang Rice Farmer Cooperatives and Associations (FCAs) batay sa urgency at pangangailangan.

Tiniyak naman ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan na patuloy nitong susuportahan ang mga magsasaka upang matiyak na ang ganitong mga oportunidad ay magdudulot ng mas mataas na produksyon at mas maunlad na kabuhayan sa bayan. 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments