Pangangailangan sa supplemental budget, iginiit sa 2023 budget

Iginiit ni Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang pangangailangan na magkaroon sana ng supplemental budget sa 2023.

Sa budget deliberation, tinukoy ni Hontiveros ang naunang pahayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Chief Arsenio Balisacan na malaki ang pangangailangan para masuportahan ang mga pinakamahihirap na sektor at pamilya.

Kasunod nito ay tinanong ni Hontiveros si Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara kung mayroong bersyon sa budget para sa pagbibigay ng higit pang suporta bukod pa sa nakalaan para sa pantulong sa mga vulnerable sector.


Tugon naman ni Angara, kung sisilipin ang 2023 General Appropriations Bill (GAB) ay mayroong nakapaloob na iba’t ibang cash transfers at subsidy program para sa targeted beneficiaries tulad ng mga magsasaka, mangingisda, PUV drivers at operators, disadvantage sectors, at displaced workers na may alokasyon sa budget na kabuuang P220 billion.

Hiwalay pa aniya ito sa P115.6 billion sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na pinaniniwalaang malaking tulong sa mga nangangailangang sektor.

Sa tanong ni Hontiveros kung mayroon na bang naidulog sa Department of Budget and Management (DBM) tungkol sa supplemental budget, sagot ni Angara na batay sa NEDA na hindi pa naman kailangan ng supplemental budget sa ngayon pero may pangangailangan na pagbutihin ang delivery system para sa ‘timely’ na paghahatid ng mga benepisyo.

Pero punto ni Hontiveros, mas makaka-deliver sana at mas marami ang maibibigay na tulong kung mayroon sanang supplemental budget sa susunod na taon.

Facebook Comments