Manila, Philippines – Pinaalalahanan ng Presidential Anti-Corruption Commission o PACC si Vice President Leni Robredo na itigil ang paghingi ng donasyon para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.
Ayon kay PACC spokesman and Commissioner Manuelito Luna, magdudulot ito ng usaping legal at etikal sa panig ng bise presidente.
Sinabi pa ni Luna na magreresulta rin ito ng duplikasyon ng trabaho o functions sa hanay ng mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Social and Welfare Development o DWSD, Local Government Units o LGUs at Philippine Red Cross o PRC na nagsasagawa na ng relief operations sa mga lalawigan na naapektuhan ng lindol sa Mindanao.
Dagdag pa ni Luna, mayroon nang nakalaang pondo ang pamahalaan para sa mga biktima ng kalamidad kaya hindi kailangan na mag-solicit pa ng donasyon ang Office of the Vice President o OVP at hindi rin aniya maaaring pahintulutan ang mga tanggapan ng pamahalaan na mangalap ng donasyon, cash man ito o mga gamit.
Sa sandali daw na ipilit ng Bise Presidente ang pangunguha ng donasyon, bilang pribadong indibiduwal, ay hihilingin niya sa COA at sa Ombudsman na imbestigahan ang OVP.