Lumala ang pang-aangkin ng China sa West Philippine Sea sa ilalim ng adminitrasyong Duterte.
Ito ang pahayag ni University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea Director Professor Jay Batongbacal sa gitna ng nagpapatuloy na militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ng maritime expert na napalakas na ng China ang military bases nito sa nasabing karagatan.
Aniya, mas tumapang ang China dahil palagi silang pinagbibigyan ng Pilipinas.
“Nakita naman natin na nitong mga nakaraang taon, dahil nga hindi natin pinapansin ang US e, ang laki ng advances na ginawa ng Tsina. Parang masyado silang napagbigyan nang wala namang kapalit. Kung tutuusin talagang it’s really under the current administration,” ani Prof. Batongbacal.
Ayon pa kay Batongbacal, hindi imposibleng madamay ang Pilipinas sa lumalalang tensyon ng Estados Unidos at China dahil na rin sa lokasyon ng bansa.
Giit niya, hindi pwedeng walang kakampihan ang Pilipinas dahil sinuman ang manalo ay apektado pa rin ang interes ng bansa.
Sa isyu naman ng agawan ng Pilipinas at Malaysia sa Sabah, sinabi ni Batongbacal na mahihirapan na ang bansa na mahabol ang claim nito sa isla.
“Ang hirap po niyan, over the years parang inconsistent yung mga position at statements po ng ating pamahalaan. Kaya kung sakaling magkakaroon ng kaso rito na pagdedesisyunan kung sino talaga ang may-ari ng Sabah e mahihirapan po ang Pilipinas sa toto lang,” giit pa ng maritime expert.
Dagdag pa niya, mas ikinababahala niya ang sitwasyon ng nasa 450,000 Pilipino sa Sabah na hindi kinikilala ng Malaysia at posibleng mas masahol pa ang buhay kumpara sa mga taga-Palestine.