Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa national candidates na hindi na sila papapayagang magsagawa ng overseas campaign sa pagsisimula ng Overseas Absentee Voting (OAV).
Ang OAV ay magsisimula sa April 13 at magtatapos sa mismong araw ng halalan sa May 13.
Ayon kay Comelec-Office for Overseas Voting (OFOV) Director Elaiza David – maaari pang mangampanya ang mga kandidato hanggang bukas, April 12.
Ipapatawag aniya, ang kandidato o party-list group kapag nakitaan ng paglabag sa campaign rules.
Base sa Section 22 ng Overseas Voting Act of 2013, lahat ng uri ng pangangampanya abroad sa loob ng 30-day overseas voting period ay ipagbabawal.
Idinagdag pa ni David – naipadala na ang Vote Counting Machines (VCM) at mga balotang gagamitin kung saan isasailalim ang mga ito sa final testing at sealing o FTS.
Nasa 41 bansa ang gagamit ng VCM sa ilalim ng OAV habang gagamit naman ng manual voting system ang mga Pilipinong nasa 42 bansa.