Pangangasiwa sa COVID-19 vaccine, posibleng hindi kayanin ng iisang tao lang

Sinabihan ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto si National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez ng “good luck” matapos syang hirangin ng Pangulo bilang Vaccine Czar.

Pero giit ni Recto, hindi naman parang superman si Galvez na dapat mag-isang mangasiwa sa bakuna kontra COVID-19.

Ayon kay Recto, sa bigat ng ini-atang na misyon kay Galvez ay dapat bumuo ito ng Justice League o makakatuwang hindi lang sa militar kundi maging sa lahat ng sektor lalo na sa mga negosyo na may supply chain expertise sa regular na pag-stock ng maraming produkto.


Binigyang-diin ni Recto na dapat ay taga-kumpas lang si Galvez para matiyak ang maayos na pagbili at mahusay na pamamahala at pamamahagi ng bakuna.

Ipinunto pa ni Recto na malaking hamon kung paano dadalahin sa 110 milyong Pilipino ang bakuna na kinakailangang nasa subzero temperature gayung kulang tayo sa cold chain infrastructure.

Kung matagumpay na magagawa ni Galvez ang kanyang trabaho bilang Vaccine Czar na magpapalaya sa atin sa COVID-19 pandemic ay sigurado si Recto na habambuhay itong pasasalamatan ng buong mamamayang Pilipino.

Facebook Comments