Nais ni Cainta Mayor Kit Nieto na maibalik sa ilalim ng pangangasiwa ng Local Government Unit o LGU ang mga pulis na nasa ilalim ng nasasakupan ng lokal na pamahalaan gaya ng mga alkalde.
Ayon kay Mayor Nieto, hindi maganda ang resulta kapag palit nang palit ang mga chief of police sa isang bayan.
Paliwanag ng alkalde hindi kasi aniya nakabubuo ng maayos at epektibong plano para sa kaayusan at kapayapaan ng paligid.
Katulad aniya sa kanyang sitwasyon, ilang buwan pa lamang sa puwesto ang chief of police sa bayan ng Cainta Rizal, matapos na magpakilala o mag-courtesy call ay nagugulat na lamang siya dahil mayroon na muling bago.
Bagaman walang problema ang kanyang bayan sa peace and order, naniniwala ang alkalde na dapat ay nagtatagal sa posisyon o destinasyon ang isang chief of police dahil mas lalo pa mapagaganda ang rapport o working relationship ng LGU at Philippine National Police o PNP pagdating sa ganitong uri ng usapin.