Nagpaalala ang Department of Health Ilocos Region sa publiko hinggil sa tumataas na panganib ng pagkakuryente kasabay ng pag-ulan at malawakang pagbaha sa rehiyon.
Ayon sa DOH, hindi agad nakikita ang banta ng kuryente sa mga binahang lugar, bagay na maaaring magdulot ng seryosong pinsala.
Kabilang sa mga maaaring mangyari kapag nakuryente ang isang tao ay pagtigil ng tibok ng puso, paghinto ng paghinga, pagkalapnos ng balat, at pagkasira ng mga ugat at internal organs.
Hinimok ng ahensya ang publiko na magdoble ng pag-iingat at alamin ang mga wastong hakbang bago, habang, at pagkatapos ng pagbaha upang maiwasan ang aksidente na may kinalaman sa kuryente.
Pinayuhan din ang mga residente na agad tumawag sa National Emergency Hotline 911 o sa kanilang lokal na emergency hotlines sakaling mangailangan ng agarang tulong.









