Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa posibleng panganib ng self-injection ng bakuna.
Ito ay matapos aminin ng pinuno ng Presidential Security Group (PSG) ni Pangulong Rodrigo Duterte na sila mismo ang nagturok sa kanilang mga sarili ng hindi rehistradong Chinese made COVID-19 vaccine.
Sa isang panayam, iginiit ni FDA Director General Eric Domingo na hindi simple ang pagtuturok ng bakuna at pinag-aaralan itong mabuti ng mga medical practitioner para masigurong ligtas at epektibo itong maisasagawa.
Aniya, tanging mga kwalipikadong tauhan lamang ang maaaring gumawa nito.
Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Dra. Maricar Limpin, Vice President ng Philippine College of Physicians (PCP) na dapat i-monitor ang mga nabakunahan na para makita ang epekto nito.
“We discourage ang paggamit ng bakuna na hindi rehistrado, hindi approved at hindi lisensyado ng FDA. Yun nga po ang hiling namin, sana po e magkaroon ng investigation tungkol sa vaccine na ‘to lalong lalo na po para doon sa mga nabakunahan para masiguro lang natin kung ano yung epekto ng bakuna,” ani Limpin.
Una nang inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang pagpasok, pamamahagi at paggamit ng mga hindi rehistradong COVID-19 vaccine.
Pero para kay Dra. Limpin, ang FDA ang tamang ahensya na dapat manguna sa imbestigasyon.
“I think ang investigation po would probably be headed by FDA. I think yun po ang pinakatamang body to lead na investigation kasi sila po yung may authority tungkol sa bakuna na ito,” dagdag pa niya.
Una rito, nanawagan ang grupo ng transparency sa paggamit ng mga bakuna.