Lingayen Pangasinan – Umaabot na sa 160 na kaso ng Human Immunodeficiency Virus (AIDS) at Acquired Immunodeficiency Syndrome ang naitala ng HIV & ART Registry of the Philippines (HARP) at Department of Health sa lalawigang Pangasinan.
Ayon kay Dra. Cielo Almoite, tagapagsalita ng Provincial Health Office ng lalawigan mataas ang bilang na ito kumpara sa datos noong nakaraang taon na nasa 134 cases lamang. Simula taong 1984 hanggang 2018 nakapagtala na ang kanilang pamunuan ng nasa 680 na kaso at sa tala ng Department of Health 38 na kaso ng HIV ang araw-araw na naitatala ngayong taon sa buong bansa.
Sa ngayon ayon sa ahensya ang Pangasinan ang may pinakamataas na bilang ng may kaso ng nasabing sakit. Paliwanag naman ng Department of Health ay natural lamang na makapagtala ng pinakamaraming kaso ang lalawigan sa kadahilanang ang Pangasinan ang may pinakamaraming populasyon sa buong rehiyon uno at dala narin ito umano ng mas pinaigting na kampanya laban sa nasabing sakit upang ma-trace ang mga carrier at mabigyan ng atensyong medikal kaya lumobo ang bilang.
Madalas umanong tinatamaan ng HIV at AIDS sa lalawigan ay mga lalake na nasa edad na 25-34 at karamihan dito ay ang mga nakikipagtalik sa kapwa lalake.
Sa ngayon mas pinaigting ng Provincial Health Office ang kampanya nila patungkol sa nasabing sakit sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga ospital at accredited hygiene clinic na nagsisilbing HIV/AIDS testing area at ang agresibo nilang information dissemination campaign sa mga paaralan.