Tiniyak ng Pangasinan Disaster Risk Reduction and Management Office ang kahandaan ng bawat komunidad sa pagtama ng anumang sakuna tulad ng lindol kasunod ng Magnitude 6.9 na pagyanig sa bahagi ng Cebu nitong Martes.
Sa ekslusibong panayam ng IFM News Dagupan kay PDRRMO Earthquake and Tsunami Focal Person Maegan Equila, bagaman wala pang instrumento na una nang makakatukoy sa oras at lokasyon ng lindol, maagap na paghahanda at kaalaman ang dapat maging sandata.
Dagdag ni Equila, apat na fault line sa Pangasinan aktibo at minomonitor ng tanggapan. Ito ay ang Agno Fault, Dasol Fault, East Zambales Fault at Philippine Fault na may iba kaugnay na fault sa mga bahagi ng Pangasinan at Benguet.
Samantala, Isa ang Project PARAAN sa mga isinasagawang hakbang upang personal na matutukan ang kamalayan ng mga komunidad sa mga dapat gawin tuwing may sakuna.
Kaakibat din nito ang paghahanda sa banta ng tsunami at pag-aaral sa topograpiya ng mga bayan na higit maapektuhan nito tulad ng labing apat na coastal towns maging ang mga inland towns ng Mangaldan at Bugallon.
Iginiit naman ng opisyal ang pagkakaroon ng Emergency Go Bag sa bawat pamilya na kayang tumagal ng tatlong araw.
Kaugnay nito, patuloy ang pag-iikot ng tanggapan sa iba’t-ibang komunidad sa lalawigan upang ihanda ang mga residente mula sa mga sakuna. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









