
Nagtala ng mahahalagang tagumpay ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) sa kanilang pinaigting na operasyon laban sa iba’t ibang uri ng krimen sa nakalipas na linggo.
Sa pangunguna ni Arbel C. Mercullo, Provincial Director, mas pinahusay ang police visibility at law enforcement initiatives upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
Sa kampanya laban sa ilegal na sugal, nagsagawa ang pulisya ng pitong operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 32 indibidwal at pagkakasamsam ng ₱10,635 na pusta.
Samantala, sa laban kontra ilegal na droga, 12 operasyon ang isinagawa kung saan 13 drug personalities ang naaresto. Nasamsam din ang humigit-kumulang 56.64 gramo ng hinihinalang shabu at 1 gramo ng pinatuyong marijuana na may tinatayang halagang ₱30,854.20.
Anim na operasyon naman ang isinagawa laban sa loose firearms na nagresulta sa pagkakumpiska ng anim na baril.
Naging matagumpay din ang kampanya laban sa mga wanted na indibidwal matapos madakip ang tatlong most wanted persons at sampung iba pang wanted.
Bukod dito, nagtalaga rin ang PPO ng 503 pulis upang magbigay seguridad sa 35 malalaking aktibidad sa lalawigan.
Ayon kay Mercullo, patunay ang mga tagumpay na ito ng dedikasyon ng kapulisan sa kanilang tungkulin. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng komunidad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa buong Pangasinan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









