Friday, March 13, 2026

PANGASINAN PPO NAKIISA SA NATIONWIDE SIMULTANEOUS EARTHQUAKE DRILL 2026

Aktibong nakiisa ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) sa isinagawang 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa Camp Gov. Antonio U. Sison bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan sa sakuna.

Isinagawa ang aktibidad sa ilalim ng pangangasiwa ni PCOL Arbel C. Mercullo, Provincial Director ng Pangasinan PPO, upang matiyak na handa ang mga pulis sa pagtugon sa lindol at iba pang emergency.

Sa isinagawang drill, isinagawa ng mga personnel ang “Duck, Cover, and Hold” procedure, maayos na paglikas patungo sa ligtas na lugar, at pagbilang sa mga tauhan. Nagkaroon din ng simulated search and rescue operations, first aid demonstration, at inspeksyon ng kanilang emergency grab bags.

Nakipag-ugnayan ang PPO sa Local Disaster Risk Reduction and Management Office sa pangunguna ni Clark P. Mamaril, gayundin sa Bureau of Fire Protection–Lingayen na pinamunuan ni FO3 Karl F. De Guzman. Pinangunahan naman ni PMAJ Glenn B. Dulay bilang Incident Commander ang maayos na pagpapatupad ng drill.

Ayon sa Pangasinan PPO, mahalaga ang ganitong pagsasanay upang higit pang mapalakas ang kahandaan at kakayahan ng mga pulis sa pagprotekta sa buhay at kaligtasan ng publiko sa oras ng sakuna. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments