PANGASINAN PPO, PINABULAANAN ANG UMANO’Y ILEGAL NA PAGSUSUGAL SA MGA PERYAHAN

Pinabulaanan ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang mga alegasyon ng umano’y ilegal na pagsusugal tulad ng pula/color game at drop ball sa ilang peryahan at amusement park sa mga bayan at lungsod ng lalawigan, kabilang ang Urdaneta City, Bugallon, Calasiao, Malasiqui, Mangaldan, at San Jacinto.

Ayon kay PCOL Arbel C. Mercullo, Officer-in-Charge ng PPO, agad na nagsagawa ng masusing imbestigasyon at beripikasyon ang mga operatiba mula sa Provincial Investigation and Detective Management Unit (PIDMU) at Provincial Intelligence Unit (PIU). Kabilang dito ang ocular inspection, surveillance operation, intelligence validation, at pakikipag-ugnayan sa mga Local Government Unit (LGU), opisyal ng barangay, at mga organizer ng peryahan.

Batay sa resulta ng imbestigasyon, walang nakitang ebidensya na nagpapatunay na may nagaganap na ilegal na sugal sa mga tinukoy na lugar. Kumpirmado ring limitado lamang sa mga tradisyunal at lehitimong palaro ang operasyon ng mga peryahan.

Nagpahayag din ang mga residente at stakeholder na ang mga peryahan ay itinuturing na pampamilyang libangan at mahalagang kabuhayan tuwing pista, at hindi lugar para sa mga aktibidad na labag sa batas.

Gayunpaman, tiniyak ng PPO na patuloy ang kanilang mahigpit na pagbabantay at monitoring upang hindi mapasukan ng ilegal na gawain ang mga naturang pasyalan. Nanawagan din si PCOL Mercullo sa publiko na makiisa at agad na i-report sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang aktibidad.

Dagdag pa niya, bawat ulat ay dadaan sa maingat at patas na proseso alinsunod sa batas, partikular na sa ilalim ng Presidential Decree 1602 at iba pang kaukulang Special Penal Laws. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments