Hinangaan ng marami ang tagumpay ni Hannah Katrina De Vera mula Brgy. Malabago, Calasiao Pangasinan matapos makamit ang pagiging TOP 2 sa 2025 Certified Public Accountant Licensure Exam (CPALE).
Nakakuha si De Vera ng 91.50% rating na siyang ikalawang pinakamataas sa kabuuang 10,171 examinees sa buong bansa.
Kasama rin sa mga nakapasok sa Top 10 ang dalawa pa niyang kaklase na sina Erico Sam Bolasoc na Rank 6 at may 90.00% at Sophia Marie Cancino na Rank 8 at may 89.67%.
Hindi kinalimutan ni De Vera ang pasasalamat sa mga taong nagsilbing lakas, suporta at gabay, lalo ang kanyang mga magulang na nagsakripisyo para maitaguyod ang kanyang pag-aaral. Kinilala rin niya ang patuloy na paggabay sa kanya ng Poong Maykapal.
Nagbigay din ng encouragement message si De Vera para sa mga nais kumuha ng kursong Bachelor of Science in Accountancy.
Ang kanilang sipag, tiyaga at determinasyon ay isang malaking karangalan para sa mga Pangasinense. Sumasalamin ang kanilang tagumpay sa posibilidad na makakamit din ng mga susunod na aspiring CPA, ang pagkakaroon ng lisensya.
Mula sa IFM Dagupan, isang mainit na pagbati para sa lahat ng naging bahagi ng 2025 Certified Public Accountant Licensure Exam (CPALE).









