
Nagtapos ang 10 taong pagtatago nang tuluyang mahuli ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Station 2 ang pangatlo sa apat na suspek sa pagpatay sa isang pulis Maynila.
Kinilala ang akusado na si Arnulfo Aniceto, 29-taong gulang.
Naaresto ang akusado sa ikinasang extensive operational research sa kahabaan ng Moriones St. Brgy. 123, Tondo habang nag-aayos ito ng kaniyang pampasaherong motor.
Isinilbi ang warrant of arrest nito para sa kasong murder na inisyu ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 16 na walang inirekomendang piyansa.
Base imbestigasyon ng pulisya, inunahan ng mga akusado ang biktimang si PO3 Ronald Leonardo Bautista matapos na mapag-alamang iniimbestigahan ang kanilang grupo na naging dahilan para patayin ang suspek habang nag-papark ng kaniyang motorsiklo noong 2015.
Napag-alaman din na sangkot ang grupong kinabibilangan ng akusado sa iligal na gawain, partikular na ang holdapan; habang si Aniceto naman ay sangkot sa iligal na droga.
Una nang nahuli ang dalawang kasama nito sa krimen noong 2017.
Itinanggi ng akusado ang paratang ngunit ikinanta nito sa mga awtoridad na ang bumaril sa nasabing pulis na kinilalang si Michael Flores na kasalukuyang at-large.
Nananawagan naman ang kaanak ng nasawing pulis sa publiko sa kung sino ang nanakakilala at nakakaalam sa kinaroroonan ni Flores.









