Pangatlong batch ng high grade shabu, muling natagpuan sa Ilocos Sur

Umaabot na sa 60 ang kabuuang bilang ng mga pakete ng shabu na natagpuang palutang-lutang sa karagatan ng Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ilocos Sur Police Provincial Office Director Police Col. Darnell Dulnuan sa Camp Crame, 18 pang karagdagang pakete ng shabu ang natagpuan ng mga mangingisda 42 nautical miles mula sa Magsingal shore.

Ayon kay Col. Dulnuan, ito na ang pangatlong batch ng high grade shabu na natagpuan at narekober sa magkakahiwalay na baybayin ng karagatan sa hilagang Luzon.


Matatandaang una nang natagpuan ang 24 na pakete ng shabu sa San Juan noong Lunes at kahapon naman ang 18 pakete sa Santa Maria na pawang may mga Chinese marking.

Ayon kay Dulnuan, hindi pa malinaw sa ngayon kung sadyang tinangkang ipuslit ang droga o inanod lang mula sa aksidente sa karagatan.

Sa ngayon, tuloy ang koordinasyon ng Ilocos Sur Police sa Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP) Maritime Group, PNP Drug Enforcement Group, at Philippine Drug Enforcement Agency para imbestigahan ang magkakasunod na pagkakarekober ng mga high grade na droga.

Facebook Comments