Pangatlong quarantine facility ng PNP sa region 3, pinasinayaan

Nadagdagan pa ang quarantine facility ng Police Regional Office (PRO) 3 matapos pasinayaan ang kanilang pangatlong quarantine facility.

Ayon kay PRO 3 Regional Director PBgen. Valeriano de Leon, ang bagong pasilidad sa Camp Captain Julian Olivas, San Fernando, Pampanga ay pakikinabangan ng kanilang mga tauhan na tinamaan ng COVID-19 sa pagganap ng kanilang tungkulin.

Ang gusali na may walong kwarto ay itinayo ng PRO 3 sa tulong ng provincial government ng Pampanga.


Sinabi ni Bgen. de Leon dinagdagan nila ang kanilang quarantine facilities bilang bahagi ng pagsulong ng “contain, reduce, and prevent strategy” ng pamahalaan laban sa COVID-19 sa Central Luzon.

Pinangunahan naman nina Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar at Pampanga Governor Dennis Pineda ang pagpapasinaya ng bagong pasilidad.

Batay sa huling tala ng PNP Health Service, 26,828 na ang tauhan ng PNP na tinamaan ng COVID-19, kung saan 24,890 ang nakarekober, 1,867 ang aktibong kaso at 71 ang nasawi.

Facebook Comments