Panggigipit at diskriminasyon laban sa mga Health Workers, kinondena ng isang Senador

Mariing tinuligsa ni Sen. Leila M. de Lima ang mga panggigipit at karahasan laban sa mga Health Workers na nangunguna sa pagtugon sa krisis dulot ng COVID-19.

Sa kanyang sulat-kamay na pahayag mula sa Custodial Center ng Camp Crame, ay binigyang diin ni delima ang sakripisyo ng mga Health Workers na umaalis sa kanilang bahay na walang kasiguraduhan kung makababalik pa ng ligtas bukod sa hindi rin nila mayakap ang kanilang pamilya.

Diin ni de Lima, nakagigimbal isipin na nagagawa pa ng iba na saktan at kutyain ang mga Health Workers.


Partikular na tinukoy ni de Lima ang ilang insidente ng diskriminasyon laban sa mga Health Workers na umiikot ngayon sa social media tulad ng pagkuyog umano ng limang lalaki sa Sultan Kudarat sa isang hospital staff na sinabuyan pa ng bleach sa mukha.

Bukod pa rito ang isang nurse sa Cebu na sinabuyan ng Chlorine ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo habang ang iba naman ay tinatanggihan umanong pakainin sa karinderia, iniiwasang pasakayin sa pampublikong transportasyon, at pinaaalis sa tinutuluyang bahay.

Giit ni de Lima, dasal hindi dahas, ang kailangan ng ating mga Health Workers para mapagtagumpayan natin ang laban sa COVID-19.

Facebook Comments