Muli na namang lumabag sa international law at Philippine Sovereignty ang China.
Ito ang inihayag ng Armed Forces of the Philippines matapos ang ginawa na namang pangha harass ng Chinese coastguard sa mga barko ng Philippine Navy sa West Philippine Sea.
Ayon kay Western Command Commander Vice Admiral Rene Medina naganap ang pangha harass sa barko ng Philippine Navy na BRP Conrado Yap o PS39 nitong February 17, 2020.
Nagpapatrolya umano ang BRP Yap sa palibot ng Malampaya Natural Gas facility at Kalayaan Island Group Palawan nang ma-detect nito ang Chinese warship.
Nagpadala ng komunikasyon ang BRP Yap sa Chinese vessel sa pamamagitan ng radyo pero binalewala ito ng China at sinabing sakop ng soberanya nila ang teritoryong ginagalawan ng barko sabay nanutok ng radar gun.
Natukoy pa ng Philippine Navy ang PLAN Vessel ng China na may bow number na 514 o Corvette warship.
Kahapon una nang inihayag sinabi ng Department of Foreign Affairs na natanggap na ng China ang diplomatic protest ng Pilipinas laban sa China.
Nakasaad sa diplomatic protest ng Pilipinas sa China ay una dahil sa panunutok ng radar gun at pangalawa ay pagdeklara ng ilang bahagi ng teritoryo ng bansa sa West Philippines Sea bilang bahagi ng Hainan Province ng China.